Thursday, January 27, 2011

Barong: sa panahon ng Polo Shirts

Ako ay isang English major sa Pamantasang Normal ng Pilipinas pero ang blog na ito ay nangangailangan ng lenggwaheng Filipino.Ang mga pangyayari sa nasabing panahon ay naganap kaninang gabi (mga alas otso) habang ako ay naglalakad mula SM Manila hanggang sa Post Office upang makasakay pauwi sa ParaƱaque. Kakatapos lang namin mag-celebrate sa KFC dahil kami ay nanalo (1st runner-up) sa PNU Departmental Chorale Competition. Sa aking kagustuhan na malaman kung ano ba ang reaksyon ng mga tao kapag nakakita sila ng taong naka-Barong, hinde na ako nagbihis pang muli ng civilian: naka-Barong pa rin ako. Mula pagpunta sa SM Manila, pagkain sa KFC, at pauwi hanggang ParaƱaque, inobserbahan kong mabuti ang mga titig, reaksyon, at mga bulong ng mga tao na naka-saksi sa aking...uhmmm...pananaliksik/kalokohan.

Ang Barong Tagalog ay ang pormal na damit ng mga Filipino. Sumikat ito bilang isang pormal na damit dahil kay Ramon Magsaysay, na sinusuot ito sa kanyang opisyal at personal na aktibidad. Ang literal na pagkakasalin sa Barong Tagalog ay "damit na Tagalog". Mula sa nasabing pagkakasalin, masasabi nating isa sa mga identity natin ang nasabing damit kaya naman ako nadismaya sa mga reaksyon ng mga tao sa pagakakita sa akin. Ito ang mga tao na iyun:

1. Si 25-ish year old woman sa 7-11

Siya ang pinakaunang nag-verbal reaction sa aking kasuotan, pero sa kanya ako pinakanadismaya. Pagkalagpas ko sa kanya, sinabi niya na, "Mukha namang tanga."

TANGA. Yan ang salitang ipinanglarawan niya para sa kasuotan ko (o marahil sa akin). Mukhang tanga ang isang tao na suot-suot ang tatak ng bansa natin: ang Barong. Mukhang tanga ang identity ng Pinas...mukhang tanga.Yan na ba ang pagtingin ng ibang tao sa kasuotan ng kanilang lahi.

2. Si Loverboy

Habang papunta na ako sa...uhmm... "no line FX Terminal" malapit sa Post Office, ako ay dumaan sa Fountain sa harap ng Post Office. Sa tabi ng napakagandang presentasyon ng fountain, nakita ko sa tabi ang 2 magkasintahan na...uhmm...naglalap....teka lang, may mas magandang salita pa dun eh. AH! Nakita ko sa tabi ang dalawang magkasintahan na naghahayag ng kanilang pag-ibig sa isa't isa. Tingin sa akin si Loverboy at sabi sa kanyang kasintahan, "Tignan mo yun...d magkakagirlfriend yun (sabay pagpahayag ng PAG-IBIG!)"

Kahit ako ay medyo natamaan sa nasabi ni Kuya, ang pumasok sa isipan ko ay, "wag lang sana ang kasintahan mo ang ibaon mo sa iyong mga labi, sana pati ang iyong bayan din. At wag lang sa labi, sana pati sa puso." 


3. Si Friend-of a-Friend-of-Mr. Barker sa Post Office

Ayan! Nakapunta na ako sa "No Line FX Terminal" na malapit sa Post Office. Pagdating ko dun nakita ko si friend-of a-Friend-of-Mr. Barker. Pagkakita niya sa akin, sabi niya kay Mr. Barker, "Patay na pala ang susunod na sasakay sa yo."

PATAY. Sila lang pala ang may karapatan magsuot ng Barong Tagalog. Kung ganun, gusto ko nang mamatay para masuot ko ang damit na pinagmamayabang ng ating mga bayani.

Ang Barong Tagalog.

Wag sanang kalimutan
Kung saan tayo nanggaling.
Para saan ba ang pagbabago
kung wla dn naman mararating?

Patay nga lang ba
ang makakasuot?
Ang damit ba na ito
ay binaon na sa limot?

Juan dela Cruz,
pag-isipan mo po:
Ito bang Barong?
o itong shirt na Ecko?

No comments:

Post a Comment